
Isang 52 anyos na ginang na may-ari ng tindahan ang sugatan matapos pasukin at tangkaing saktan ng isang 18 anyos na lalaki sa loob ng kaniyang tindahan sa Alaminos City, Pangasinan, pasado ala-una ng madaling-araw nitong Martes.
Batay sa paunang imbestigasyon, habang mahimbing na natutulog ang biktima sa kaniyang silid sa loob ng tindahan ay nagising siya sa ingay na nagmumula sa kaniyang bintana at laking gulat niya nang makita ang suspek na armado ng isang patalim.
Ayon sa ulat, agad na tinangkang agawin ng biktima ang patalim mula sa kamay ng suspek at nagawa niyang kagatin ang braso nito, dahilan upang mabitawan ng lalaki ang sandata.
Dali-daling tumakas ang suspek ngunit naiwan nito ang ilang personal na gamit pati ang dalang patalim na ginamit sa insidente.
Nagtamo ng sugat sa noo ang biktima at agad na dinala sa ospital para sa agarang lunas.
Matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, naaresto rin ang suspek at dinala sa parehong pagamutan para sa medikal na eksaminasyon bago tuluyang isailalim sa kustodiya ng Alaminos City Police Station para sa wastong disposisyon.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Trespass to Dwelling at Frustrated Homicide. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









