Ginastos sa pagpapagawa ng kontrobersyal na SEA Games cauldron, galing umano sa donasyon ng pribadong sektor at hindi sa pera ng gobyerno

Nilinaw ni dating House Speaker Allan Peter Cayetano na ang P50 million cauldron na ginamit sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games ay binayaran ng pribadong sektor.

Sa isang pahayag, iginiit ni Cayetano na sablay ang mga mga paratang ng mga kritiko na overpriced at maluho raw ang naturang cauldron.

Wala aniyang ginastos ni sentimo ang gobyerno sa paggawa ng cauldron


Si Cayetano ang siyang naging tagapangasiwa ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) noong 2019.

Sinabi rin ng dating speaker na ang mga akusasyon ng korapsyon na umikot sa cauldron ay nagtulak sa ilang mga kompanya noon na umatras sa kanilang pag-sponsor ng 2019 SEA Games.

Aniya, mas mura pa nga ang cauldron kaysa sa mga ginamit sa mga naunang SEA Games.

Higit sa 5,000 atleta galing sa 11 bansa ang lumahok sa 2019 SEA Games kung saan ang Pilipinas ang naging overall champion at humakot ng 387 na medalya, kung saan 149 ay ginto.

Facebook Comments