Pinaiimbestigahan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ginawang censorship ng Facebook kung saan inalis nito ang 57 accounts, 31 pages at 20 Instagram profiles na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa gobyerno ng Pilipinas at sa mga hakbang laban sa terorismo.
Sa inihaing Senate Resolution No. 531 ay sinabi ni Dela Rosa na kasama ring inalis ng Facebook ang mga account na pumupuna sa Rappler online news website, sa communism o sa Communist Party of the Philippines at sa National Democratic Front of the Philippines.
Dismayado si Dela Rosa na inalis din ng Facebook ang advocacy page na “Hands Off Our Children,” na nagsusulong ng proteksyon sa mga kabataan laban sa mga communist-terrorist organization.
Ipinaalala ni Dela Rosa ang ginawang pagdinig noon ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kung saan idinaing ng ilang magulang ang pagkawala ng kanilang mga menor de edad na anak matapos umanong i-recruite ng mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Dela Rosa, ang Pilipinas ang ikalawa sa pinakamalaking market ng Facebook sa Asia na may 76 million users na nitong July 2020, at inaasahang lolobo pa sa 88 million pagsapit ng 2025.
Bunsod nito ay iginiit ni Dela Rosa na mahalagang maimbestigahan ang ginawang censorship ng Facebook dahil makaka-apekto ito sa peace and order at seguridad ng bansa gayundin sa freedom of expression na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon.