Umapela si Deputy Speaker Loren Legarda sa pamahalaan na magsilbing “wake-up call” ang giyera sa Ukraine para patatagin ang “food system” ng bansa.
Kasabay pa nito ang paghikayat ng kongresista sa lahat ng mga institusyon sa gobyerno na seryosong suriin ang ‘moral duty’ para baguhin ang kasalukuyang sistema sa pagkain sa bansa.
Tinukoy ng mambabatas na ang kaguluhan sa Ukraine ay pwedeng mauwi sa matagal na krisis partikular sa seguridad at sapat na pagkain, kalusugan at pinsala sa kalikasan.
Isa aniya itong kumpirmasyon na kailangan na nating magbago tungo sa “regenerative food systems” kung saan ibabalik ang kapangyarihan sa kamay ng mga magsasaka para makapag-produce ng sapat na pagkain gamit ang local at renewable inputs.
Binigyang-diin pa ni Legarda ang kahalagahan na mabigyan ng kinakailangang suporta ang ating agrikultura at pangisdaan lalong-lalo na sa mga maliliit na magsasaka upang magkaroon ng tuluy-tuloy, matatag at regenerative agricultural system.
Dagdag pa ng kongresista, kung bubuhusan ng suporta ng pamahalaan ang mga magsasaka at mangingisda ay tiyak na magkakaroon ang bansa ng matibay na pundasyon at solusyon sa problema sa “food security” at “sustainability” sa pinagkukunan ng pagkain.