Cauayan City, Isabela- Bagamat hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente sa ilang mga lugar na nasasakupan ng ISELCO II ay energized na ng 100 porsyento ang backbone lines nito sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Dave Siquian ng ISELCO II at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperative (PHILFECO), mula kahapon ay naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga primary lines ng ISELCO II.
Aniya, mayroon pang mga lugar ang kanilang sinusuri ngayon dahil hindi pa humuhupa ang tubig-baha sa kanilang lugar gaya ng bayan ng Cabagan, Sta. Maria at sa ilang bahagi ng Lungsod ng Ilagan.
Kailangan muna aniya nilang tiyakin ang kaligtasan ng bawat member consumer bago nila ayusin ang kanilang linya.
Dagdag pa ni GM Siquian, sapat pa rin ang supply ng ating kuryente subalit paalala pa rin nito sa lahat na kailangan pa rin magtipid ng kuryente lalo na ngayong taglamig.