GMA Network, sumagot sa imbestigasyon ng DOLE sa aksidente ni Eddie Garcia

Hindi sinang-ayunan ng GMA Network ang resulta ng paunang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa aksidenteng ikinasawi ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.

Lumabas sa imbestigasyon ng DOLE na tatlong work safety standards ang nilabag ng GMA sa nangyaring aksidente sa shooting ng teleserye noong Hunyo.

Ayon kay DOLE National Capital Region director Sarah Buena Mirasol, bigo ang network na magpasa ng incident report sa loob ng 24 oras, at magtalaga ng safety officer at first aid personnel sa lokasyon ng shooting.


BASAHIN: GMA, lumabag sa work safety regulations sa aksidenteng ikinasawi ni Eddie Garcia – DOLE

Pero sa komentong isinumite ng network, ipinaliwanag na nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Occupational Safety and Health (OSH) Law na hindi kailangang magsumite ng incident report sa loob ng 24 oras ang mga aksidenteng nagresulta sa “disabling injury or death.”

“Nonetheless, GMA submitted the report within one (1) month from the accident which occurred last June 8, 2019,” dagdag ng GMA.

Hinggil naman sa pagtatalaga ng safety officer sa lokasyon, iginiit ng network na mayroon silang sapat na bilang ng “DOLE-certified safety officers” na umaasikaso sa mga empleyado.

“The ‘workplace’ covered by the OSH Law is deemed to refer only to those places where services of the employees are regularly rendered,” saad sa komento.

Hindi umano maaaring palawigin ang sakop ng IRR ng naturang batas sa mga pansamantala o palipat-lipat na lokasyon gaya ng shooting.

Siniguro ng GMA ang pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa mga taping sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga safrty officer, officer ng programa, staff, at mga contractor sa mga opisyal sa lugar ng taping.

Kinumpirma rin ng network na tatlong production staff na nakatapos ng lecture demonstration sa First Aid at Basic Life Support ng Philippine Red Cross ang nasa lokasyon noong araw ng aksidente ni Manoy.

Pinabulaanan din ng GMA ang mga balita na tumanggi ang network na sumunod sa direktijba ng DOLE na magsumite ng listahan ng mga lokasyon ng teleserye nito para mainspeksyon.

“GMA, for its part, said that there was no refusal to provide the information. The locations and schedules were not submitted immediately because of their tentativeness and the fact that they are too numerous to remember from memory,” paliwanag nito.

Patuloy naman umanong makikipag-ugnayan ang GMA Network sa DOLE sa imbestigasyon.

Sa edad na 90 ay pumanaw si Garcia noong Hunyo 20 matapos ma-comatose dahil sa natamong neck fracture makaraang matisod at bumagsak habang nasa taping ng bagong Kapuso teleserye.

Facebook Comments