Cauayan City, Isabela- Muling nanindigan si Governor Manuel Mamba na handa siyang magbitiw sa pwesto sa oras na mapatunayang may mangyayari muling black sand mining sa Cagayan.
Todo paliwanag din ito sa mga Cagayano dahil sa mayroon pa rin mga agam-agam sa nangyaring blacksand mining sa bahagi ng ilog Cagayan at dalampasigan ng Aparri, Buguey, Gonzaga, Camalaniugan, Sanchez Mira, Pamplona, Ballesteros, Abulug, Claveria at maging ang bayan ng Lal-lo.
Ayon naman sa Gobernador, iginagalang niya ang mga pananaw ng mamamayang Cagayano kaugnay sa naturang proyekto at nagpapakita lamang aniya ito na may pakialam ang mga Cagayano sa mga nangyayari sa probinsiya.
Nangako rin ang ama ng Lalawigan na siya ay kakampi ng mamamayan at kasamang magbabantay sa rehabilitasyon ng Cagayan River upang ito ay maayos na matapos at hindi mabahiran ng kahit anumang iligal na gawain.
Samantala, nilinaw ni Gob Mamba na walang gagastusin ang gobyerno sa gagawing paghuhukay sa ilog Cagayan.
Ang mga dredging company na aniya ang magbabayad sa probinsiya gaya ng excise tax, quarry fee at monitoring fee.
Ang perang ibabayad ng mga magsasawa dredging ay paghahati-hatian ng mga barangay at munisipyo na sakop ng proyekto, gayun din ng Pamahalaang Panlalawigan.