Cauayan City, Isabela- Pabor at handang bumili si Cagayan Governor Manuel Mamba ng bakuna laban sa COVID-19 para sa lahat ng mga Cagayano.
Ito ang kanyang binigyang-diin sa harap ng mga empleyado ng kapitolyo upang bigyang prayoridad na makabili ng vaccine ngayong taon.
Ayon kay Mamba, paraan ito upang manumbalik ang matiwasay na pamumuhay ng mga Cagayano at muling makabangon ang ekonomiya ng probinsya dahil sa pandemya.
Sa isang pahayag, iginiit nito na hindi maaaring tumunganga nalang at hintayin ang DOH o maging si Pangulong Duterte na maidala ang bakuna para sa buong Cagayan.
Kaugnay nito, tiniyak ng gobernador na may sapat na pondo ang kapitolyo para bumili ng bakuna na siyang magagamit ng mga mamamayan ng Cagayan.
Ikinumpara pa ng opisyal na kung kaya ng lungsod ng Maynila at Makati na makabili ng bakuna ay kaya rin ito ng Cagayan at kailangan rin anita na magkarron ng access ang bawat Cagayano sa COVID-19 vaccine.
Maliban dito, kinakailangan rin na makipagtulungan ang mga LGUs para mangyari ang planong pagbili ng bakuna.
Sa ngayon, mayroon ng 1,374 na kumpirmadong kaso ng virus ang lalawigan;21 ang nasawi; 1,218 naman total recoveries at 135 ang nanatiling aktibong kaso ng COVID-19.