Binatikos ng isang consumers’ group ang tila pambe-“baby” ng pamahalaan sa mga negosyante.
Kasunod ito ng pag-amin ng ilang grupo ng supermarket na ilang beses nang nagmahal ang presyo ng mga basic goods and prime commodities.
Ayon kay Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba, simula 2016 ay walang humpay na taas-presyo na sa mga pangunahing bilihin ang dinanas ng mga Pilipino.
“Simula nung 2016 up to 2022, we all suffered from high prices of basic necessities and prime commodities. Ang mga negosyante, na-spoil ‘yan e. Everytime they seek increases in srp, nakukuha naman nila sa pamahalaan e,” ani Dimagiba sa interview ng RMN Manila.
Giit pa ni Dimagiba, wala namang nagagawa ang gobyerno dahil sa tingin nila ay ang mga negosyante na ang nagdidikta sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Ang gusto talaga ng mga negosyante, sila na ang magtatakda ng SRP. And then, sila na nag magbabantay ng presyo. Wala na, kumbaga, itong gobyerno, anong gagawin mo? Kasi they got it e, they got away with it,” punto pa ni Dimagiba.
“Wala namang namultahan, wala namang na-charge. Hanggang ano lang ‘yan… umiikot sila na kasama ang media, hanggang press statement lang ‘yan,” dagdag niya.
Kaugnay nito, suportado ng grupo ang mga hirit na dagdag-sweldo sa mga manggagawa para makaagapay naman sila sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.
“Yung purchasing power na P500 a day nila, hindi na kaya ‘yun ng pamilya na apat, lima [miyembro], that’s basically ‘poor food’ ka na. Mahirap ka na talaga sa pagkain,” paliwanag ni Dimagiba.
“Kawawa talaga si consumer, naubos na ang kanyang pera, hindi na kaya. Kaya kami po, sinusuportahan namin yung mga proposal na taasan talaga ang minimum wage ng mga laborer para maka-cope naman siya kahit kakaunti,” aniya pa.