Hinikayat ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang pamahalaan na gumamit na ng opensiba at huwag puro depensa para mapalakas ang kumpiyansa sa ekonomiya sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Payo ng kongresista na palakasin na ang opensiba o attack position para sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpasok ng mga bagong industriya at investments, mga trabaho at oportunidad, gayundin ang pagkukunan ng kita at bagong hakbang para mapalakas ang market confidence.
Naniniwala si Salceda na hindi makatutulong para sa economic confidence ng bansa kung patuloy lamang na nasa depensa ang pamahalaan.
Aniya, nagawa na ng pamahalaan ang makakaya nito para maiwasan ang lubusang paglala ng pandemya makaraang magpatupad ng lockdown kaya naman panahon na para gumawa ng paraan upang maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Para maibalik ang kumpiyansa ng ekonomiya ng bansa, iminungkahi nitong maisabatas na ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act at pagpapalakas ng Build, Build, Build program.