Iginiit ni Senate President Vicente Tito Sotto III sa pamahalaang Pilipinas na huwag sumuko sa pakikipaglaban para sa ating sovereign authority sa West Philippine Sea (WPS) na maliwanag at nasa batas na pag-aari natin.
Sinabi ito ni Sotto kasunod ng pahayag ni US Secretary of State Michael Pompeo na illegitimate ang pag-angkin ng China sa West Philippine Sea.
Diin pa ni Sotto, hindi dapat maduwag ang Pilipinas sa harassment at political intimidation ng gobyerno ng mga dayuhang bansa.
Ikinatuwa rin nina Senators Joel Villanueva at Risa Hontiveros ang pagbatikos ng United States sa pambubully at pag-angkin ng China sa mga resources sa South China Sea.
Hiling ni Villanueva sa Philippine government, ipaglaban ang legal na proseso na kumikilala sa ating karapatan sa West Philippine Sea na dapat sundin ng Chinese government.
Ayon naman kay Hontiveros, dapat magsulong ang gobyerno ng independent foreign policy na gigiit na sa atin lang ang ating mga teritoryo dahil kapag naagaw ito ay mamamatay rin ang kabuhayan ng ating mga kababayan tulad ng mga mangingisda.