Inirekomenda ni Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na maging bukas ang bansa sa paggastos sa 2021 sa kabila pa rin ng patuloy na pagsadsad ng ekonomiya bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic at community lockdown.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), umangat ng bahagya sa -11.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ngayong third quarter kumpara sa -16.9% GDP noong second quarter ng taon.
Sa pagtataya ni Salceda, mapapanatili pa rin ang mabagal na ekonomiya sa huling bahagi o fourth quarter ng taon dahil naman sa sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Ibinabala ni Salceda sa mga economic managers na bantayan ang posibleng pagbaba sa kita at household savings kaya dapat na maging bukas sa direct at universal cash transfer.
Ibig sabihin, tataasan ang deficit spending sa 2021 upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-ikot ng ekonomiya.
Iminungkahi ni Salceda na maaaring manghiram muna sa mga future revenues kaakibat na maisasabatas ang mga tax proposals na nauna nang napagtibay sa Kamara at Senado.
Tiwala si Salceda na makakabawi rin ang ekonomiya ng bansa dahil inaasahang makakalikom ng at least ₱300 billion kada taon kapag naisabatas na ang mga tax measures nito.