Iginiit ni Senator Grace Poe sa pamahalaan na magpakita ng matibay na paninindigan at determinasyon upang tutulan ang agresibong gawain ng Tsina sa pag-angkin sa karagatang sakop ng ating teritoryo.
Pahayag ito ni Poe kasunod ng pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na may dalang food supplies para sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Poe, ang sitwasyong ito ay nananawagan na kinakailangan ng paggiit sa ating soberanya alinsunod sa international law.
Diin ni Poe, ang West Philippine Sea kabilang ang Ayungin Shoal ay pag-aari ng sambayanang Pilipino.
Ikinatwiran pa ni Poe na walang hurisdiksiyon ang Tsina sa katubigang sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Dagdag pa ni Poe, walang karapatan ang China na harangin ang mga barkong nagdadala ng mga pangangailangan ng ating mga sundalo.