Pinatitiyak ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa gobyerno na makakakolekta ng tamang buwis mula sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Pinakikilos ng kongresista ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DOF) na masigurong tama ang buwis na nakokolekta ng pamahalaan maging ang mga nakalipas na buwis na hindi nababayaran ay dapat makolekta.
Iginiit ng mambabatas na maganda ang batas ngunit dapat ay maaayos din ang implementasyon dito.
Aniya, ang nakapaloob sa implementing rules and regulations (IRR) ay “crucial” o mahalaga sa pagpapatupad ng POGO tax law.
Importante aniya ang maayos na pagpapatupad ng batas dahil ang koleksyon sa POGO tax ay gagamitin pandagdag sa pantugon ng pamahalaan sa pandemya.
Maaari aniyang magtalaga ng mga finance professional na tututok sa maayos na koleksyon ng buwis sa POGO at titiyak na mapupunta talaga ito sa pangangailangan ng mga Pilipino ngayong may health crisis.