Gobyerno, determinadong mabigyan nang disenteng bahay ang mga sundalo at pulis

Sisikapin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magkaroon ng disenteng bahay ang lahat ng sundalo at pulis sa bansa.

Ginawa ng pangulo ang pahayag na ito matapos na pulungin kahapon sa Malacañang sina Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff General Andres Centino, Human Settlements Secretary Jose Acuzar at Cavite Gov. Jonvic Remulla.

Ayon sa pangulo, nagsisimula pa lang ang Marcos administration sa pagbuo nang programa para sa disenteng pabahay sa mga sundalo at pulis sa Pilipinas.


Sinabi ng presidente, sinisimulan na nila ngayong pagsamahin ang mga sistema kung saan kasama ang financial system hindi lamang sa public banks maging ng mga private banks para maisakatuparan ang disenteng pabahay na ito sa mga uniformed personnel.

Paliwanag ng pangulo, mayroon ng available na lupain para sa programang ito at nagtatrabaho na rin aniya ang pamahalaan para magtuloy-tuloy ito.

Una nang pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr., ang pag-iinspeksyon at launching ng iba’t ibang housing projects sa Metro Manila at mga lalawigan na isa sa flagship program ng Marcos administration.

Layunin nang housing programs na maresolba ang housing backlog ng bansa na umaabot sa mahigit 6.5 milyong units.

Kaya naman inatasan ng Pangulo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magtayo nang isang milyong housing units kada taon sa loob ng anim na taon na may 36 bilyon pesos annual interest support mula sa national government.

Facebook Comments