Magpapatupad ng programa ang pamahalaan para sa mga magsasaka ng sibuyas.
Ito ay upang mas dumami ang kanilang ani at mapanatili na ang sapat na supply ng sibuyas nang sa ganun ay bumaba ang presyo nito.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa harap na rin ng mataas na presyo ng sibuyas sa kasalukuyan.
Sinabi ng pangulo, sa programang gagawin ay pararamihin ang area kung saan maraming pwedeng itanim na sibuyas.
Pangalawa ay tutulungan ang Department of Agriculture (DA) na makapag-provide ng magandang inputs.
Gagawin aniya ito sa pamamagitan ng pagpunta sa seed producers at bigyan sila ng farm inputs para maparami ang kanilang produksyon.
Sa report ng DA kay Pangulong Marcos sa ipinatawag nitong sector meeting sa Malakanyang ngayong araw, posible raw bumaba na sa P100 hanggang P150 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa mga susunod na araw dahil sa pagpasok na ng 5,000 metriko tonelada ng imported na sibuyas.