Naniniwala si Pangulong Bongbong Marcos na ang pagpapalakas ng partnership sa pagitan ng public at private sector ay makakatulong sa pagpapaangat ng kalidad ng serbisyo ng health sector sa bansa.
Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos na makipagkita sa mga representative ng mga healthcare cluster ng Private Sector Advisory Council o PSAC.
Sa pagpupulong inatasang ng pangulo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na alamin ang mga best practice kabilang na ang digitalization initiatives para sa pag-improve ng health insurance operations at pagbibigay ng magandang benepisyo para sa kalusugan.
Nabanggit din sa pagpupulong ang tinatawag na ladderized program para sa mga medical worker na una nang suportado ng pangulo para maresolba ang brain drain ng mga nars sa bansa.
Sinabi ng pangulo na hindi pwedeng pigilan ang mga nars na maghanapbuhay ng mas maayos na buhay at kinabukasan.
Kaya ayon sa pangulo, kinakailangan makahanap ng paraan ang pamahalan para manatili sa Pilipinas ang mga Filipino healthcare worker.
Sinabi pa ng pangulo, tama lang na magkaroon ng scholarships para sa mga medical professional at student para makatulong ito sa pag angat ng kalidad ng healthcare workforce sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naghahanap na sila ng bilateral partnership para makapagbigay ng scholarship programs sa mga medical student at professional sa bansa.