Pinayuhan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan para ma-sustain o mapanatili ang magandang estado ng ekonomiya.
Para sa taong 2022 ay nakabawi ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya nang makapagtala ng 7.6 percent na Gross Domestic Product (GDP) growth rate ang bansa.
Ayon kay Angara, “welcome development” at higit pa sa inaasahan ang resulta ng paglago ng ekonomiya.
Subalit, marami pa aniyang dapat gawin para mapanatili ang ‘momentum’ ng mataas na GDP growth rate.
Aniya, ang 2022 growth data na ipinakita ay nakabatay sa “consumer spending” na maituturing na hindi ideal at hindi rin sustainable.
Tinukoy ni Angara na patuloy ang pagtaas ng bilihin at malaki na ang nababawas sa ipon ng bawat pamilya kaya posibleng maapektuhan ang paggastos ng publiko.
Umaasa ang senador na gagamitin ng pamahalaan ang mga naging “gains” nito para makatugon sa mataas na inflation, paglikha ng trabaho at patuloy na pagsigla ng ekonomiya.