Gobyerno, hinanapan ng pagkakakitaan ang mga Jeepney Driver na hindi makabiyahe dahil sa community quarantine

Tiniyak ng pamahalaan na hinahanapan na nila ng alternatibong kabuhayan ang mga jeepney driver na hindi parin makapamasada sa ngayon.

Ito ay kahit nagbalik na ang operasyon ng pampublikong transportasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, may dati nang mungkahi sa Inter-Agency Task Force (IATF) na kuhanin bilang contact tracers ang ilang mga tsuper ng jeep.


May nauna na ring pahayag si Department of Transporation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na hindi naman ibig sabihin na hindi na talaga makapapamasada ang mga tradisyunal na mga jeep.

Mayroon lamang aniyang tinatawag na hierarchy of transportation modalities kung saan naroon pa rin ang mga jeep pero nasa hulihang bahagi na dahil nauuna sa hierarchy ang point-to-point buses, TNVS, taxi, shuttle service, point to point buses, maging ang mga tricycle.

Kapag nagamit na aniya ang mga ito at kinulang, dito na pwedeng payagang makapamasada ang mga jeep, basta makasusunod sa road worthiness, social distancing measures, at health safety protocols.

Facebook Comments