Gobyerno, hindi apektado sa nangyayaring kontrobersya sa Kamara ayon sa Malacañang

Kumpiyansa ang Malacañang na walang masamang epekto sa pamumuno sa pamahalaan ang nangyayaring kontrobersiya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa harap ng posibilidad na baka magkaroon ng maling pananaw ang publiko na isang repleksiyon ang nangyayari ngayon sa Kamara kontra sa Ehekutibo.

Ayon kay Roque, ang Kongreso ang bahalang sumagot sa publiko kung saan sa kabila ng COVID-19 pandemic ay nagkakaroon pa ng kaguluhan sa kanilang hanay.


Aniya, isang usaping panloob ang nagaganap sa Kamara na tanging ang mga nakaupo rito ang makakagawa ng solusyon sa kanilang problema at hindi na ito pakikialaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bagama’t mukha aniyang naresolba na ang isyu sa leadership, muling nakiusap si Roque na maiging asikasuhin ng mga mambabatas na maipasa ang 2021 national budget dahil nakapaloob dito ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19.

Facebook Comments