Iginiit nina Senators Grace Poe at Risa Hontiveros sa gobyerno na gawing matagumpay ang nararapat na hakbang laban sa bagong variant ng COVID-19 na nakapasok na sa Pilipinas.
Diin ni Poe, walang dapat maging excuses o dahilan ang Department of Health (DOH) para hindi maikasa ang tama at agarang aksyon upang maiwasan ang muling pagpapatupad ng mga lockdown.
Ayon kay Poe, mahalagang huwag tumaas muli ang kaso ng COVID-19 dahil hindi na ito kakayanin ng ating mga health facilities at ekonomiya at upang hindi na madagdagan ang mga buhay na masasakripisyo.
Pinapatiyak naman ni Senator Hontiveros ang maayos na pagpapatupad ng contingency plan upang masigurong hindi kakalat ang mas delikadong UK variant ng COVID 19.
Mensahe ni Hontiveros kay Health Secretary Francisco Duque III, huwag nang ulitin ang nangyari noong nakaraang taon na masyadong naging kampante at inakalang tatlo lang kaso ng COVID-19 sa bansa kaya hindi nakapaghanda at hindi nag-te-test nang maayos.
Paalala ni Hontiveros, hindi pa tapos ang pandemya, at mabilis mag-mutate ang virus kaya dapat ay laging handa ang ating mga ospital kasabay ng pagpapalakas testing at laboratory operations habang tinatrabaho ang pagpili ng COVID-19 vaccine.