Manila, Philippines – Binigyang diin ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na hindi nalusutan ng Maute Group ang pamahalaan o failure of intelligence dahil sa Marawi Siege na 44 na araw nang nagpapatuloy.
Ayon kay Panelo, kung hindi sinuportahan ng iba pang rebeldeng grupo at ng international terrorist na ISIS ang Maute ay hindi naman magiging malakas ang puwersa nito.
Paliwanag pa ng kalihim, natatagalan ang operasyon ng pamahalaan sa Marawi City laban sa terorista dahil ginagawang human shield ng Maute ang mga naiipit na residente doon pero naniniwala aniya siya na darating din ang panahon na mauubos din ang mga terorista sa lungsod.
Matatandaan na sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na base sa kanilang pinakahuling natanggap na impormasyon ay mayroong dalawa pang foreign looking na bangkay ang kanilang natagpuan sa Marawi City na patunay na mayroong mga foreign fighters na nakikipagbakbakan kasama ang Maute group.