Gobyerno hindi raw dapat magpakakampante matapos maitala ang pagbagal ng pagtaas sa presyo ng bilihin – NEDA

Tiniyak ng National Economic Development Authority o NEDA sa publiko na tuloy lamang ang pagtugon ng gobyerno sa dahilan ng mataas na presyo ng pagkain kahit pa bumagal ang inflation rate nitong nagdaang Marso.

Sinabi ni Socio Economic Planning Secretary at NEDA Director General Arsenio Balisacan na bagaman bumabagal ang inflation, ito pa rin ang nananatiling pinakamahalagang usapin na dapat tutukan at tugunan ng gobyerno.

Sa pinakabagong pagtaya ng Philippine Statistics Authority o PSA, naitala sa 7.6% ang inflation nitong Marso mula sa dating 8.6% noong Pebrero.


Sa kabila nito, sinabi ni Balisacan na nananatili pa ring bukas sa posibleng pagtaas muli ang inflation outlook sa bansa dahil sa kawalang kasiguruhang global supply, napipintong dagdag sweldo, at pagtaas sa halaga ng mga serbisyo.

Kaya naman kailangan talaga ang pagiging proactive ng Inter Agency Commitee on Inflation and Market Outlook para makapag-alok ito ng mga rekomendasyon laban sa panganib o banta sa suplay ng pagkain, tulad ng posibleng paglala pa ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF) at ng epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Balisacan, importante ang mapagkakatiwalaan at napapanahong impormasyon na tutulong sa Inter-Agency Task Force Committee para sa mga ilalabas na rekomendasyon kay Pangulong Bongbong Marcos at sa gabinete, para makamit ang seguridad sa pagkain at enerhiya.

Facebook Comments