MIAA, inanunsyo ang mga apektadong airlines flights sa gagawing terminal assignments sa NAIA simula sa April 16

Magsisimula na ang terminal reassignments o paglilipat ng terminal ng flights nang ilang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa April 16.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Manila International Airport Authority o MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co na nagpulong na ang MIAA at mga airlines kaugnay sa gagawing paglilipat ng terminal ng ilang airlines flights sa NAIA.

Ayon kay Co sa April 16, mula NAIA Terminal 1 ay ililipat sa NAIA Terminal 3 ang flights ng Jetstar Japan, Jetstar Asia, Scoot, China Southern at Starlux .


Ang Philippine Airlines flights naman mula NAIA Terminal 2 ay ililipat sa NAIA Terminal 1 ang mga flight na papunta at pabalik ng Singapore, Ho Chi Minh Vietnam, Hanoi Vietnam at Phnom Penh Cambodia.

Sinabi ni Co na sa ngayon importanteng maabisuhan ng mga airlines ang kanilang mga pasahero sa mga pagbabago.

Panawagan naman ni Co sa mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline companies.

Facebook Comments