Para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro hindi sapat ang kahandaan at suporta ng gobyerno sa mga guro at mga paaralan kaugnay sa implementasyon ng full face-to-face classes na sinimulan na kahapon.
Diin ni Castro, hindi pa rin natutugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng mga classroom, dagdag na mga guro at hindi sapat na school facilities para maiwasan na maghawaan ang mga mag-aaral sa COVID-19.
Dismayado si Castro na sa loob ng dalawang taon na online classes at ngayon na balik-eskwela ang mga estudyante ay hindi pa rin naaayos ang mga silid-aralan, at nananatiling malaki ang teacher-student ratio per classroom.
Pinuna rin ni Castro ang kawalan ng aksyon ng Department of Education (DepEd) na kumuha ng mga school nurse at wala rin libreng COVID-19 test sa mga guro at mag-aaral lalo na ang mga may sintomas ng virus.
Batikos ni Castro, mas abala pa ang pamahalaan sa pagbabago ng curriculum para umano ma-distort ang kasaysayan, gayundin sa pagsusulong ng ROTC at red tagging sa ilang mga guro at organisasyon.
Bukod dito ay hiniling din ni Castro sa DepEd na i-assess ang damage sa mga school facilities ng Bagyong Paeng at ng nagdaang lindol para matiyak ang kaligtasan ng mga guro at estudyante.