Nanawagan si ACT Teachers Rep. France Castro na makipagtulungan muna ang gobyerno sa gagawing imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) kaugnay sa mga kaso ng extra judicial killings sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng pagpabor ng UNHRC sa resolusyon ng Iceland na nagpapaimbestiga sa mga kaso ng patayan sa bansa at ang plano ng gobyerno na kumalas dito.
Giit dito ni Castro, bilang kasapi ng UNHRC, dapat na igalang ng bansa ang resolusyon at makipagtulungan muna sa gagawing imbestigasyon upang bigyang linaw ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
Makakatulong aniya ang pagsisiyasat na ito ng UNHRC para matigil na ang paglabag sa human rights at mga kaso ng pagpatay.
Hamon pa ni Castro, kung matapang naman ang administrasyong Duterte sa pagkuha ng mga inosenteng buhay at husgahan ang mga tao na hindi dumadaan sa due process ay dapat mas matapang pa ang gobyerno na harapin ang anumang imbestigasyon na may kinalaman sa mga polisiya ng bansa.