Siniguro ni Department of Information and Communications (DICT) Technology Secretary Ivan John Uy na may mga hakbang na ginagawa ngayon ang gobyerno para makatulong na masawata at maaresto ang mga nasa likod ng naglipanang text scams.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Publice Service, sinabi ni Uy na sa katatapos lang na state visit ni Pangulong Bongbong Marcos sa Singapore ay lumagda ito sa isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng ICT Ministry ng nasabing bansa na nakatutok sa cybercrime, investigation at threat analysis.
Mayroon umanong ibinahagi na teknolohiya ang Singapore para malabanan ang lumalalang problema ng text scams sa bansa.
Hiniling ng Committee Chairperson na si Senator Grace Poe kung maaaring ibahagi ni Uy ang nasabing teknolohiya ngunit tugon ng kalihim, sa executive session na lamang ito ilalatag.
Bukod aniya sa Singapore, ay nakikipagugnayan na rin ang Pilipinas sa iba pang mga bansa na may “advanced” na teknolohiya sa paglaban sa anumang uri ng cyber terrorist at crimes.