Lalong magmumukhang may itinatago ang gobyerno kung hindi ito makikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa naging kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang Duterte administration.
Ito ang iginiit ni Senator Risa Hontiveros kasabay ng apela sa pamahalaang Marcos na huwag ng patagalin pa ang pagsasagawa ng ICC ng imbestigasyon sa “war on drugs”.
Binigyang-diin pa ng senadora na mas dapat pa nga na pareho ang hangarin ng Department of Justice (DOJ) at ng ICC at ito ay ang bigyang katarungan ang mga naging biktima ng tokhang.
Kinukwestyon tuloy ni Hontiveros kung ano ba ang napakahirap sa pakikipagtulungan sa ICC gayong mas kailangan natin ito lalo maraming butas ang justice system ng bansa.
Ipinunto ng mambabatas na sa pagkakataong mas napapaboran ang mga mayayaman at makapangyarihan habang mas nadidiin ang mga mahihirap ay dito mas pumapasok ang pangangailangan para sa hiwalay na institusyong hindi hawak ng mga nasa poder.
Kasabay nito ay hinamon ni Hontiveros si Pangulong Bongbong Marcos na patunayan ang sinasabi niyang paghahangad ng respeto sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsisimula sa pagharap sa mga isyung may kinalaman sa karapatang pantao.