Presidential son na si Vinny Marcos, nagsisilbi bilang intern sa tanggapan ng house speaker

Courtesy: Nonoy Libanan

Inihayag ngayon ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez na simula nitong nagdaang Lunes ay nagsisilbi bilang “intern” sa kanyang opisina ang bunsong anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si William Vincent “Vinny” Marcos.

Sinabi ito ng kampo ni Romualdez makaraang lumabas ang impormasyon na itinalaga si Vinny bilang “Special Assistant of the Speaker.”

Batay sa pahayag ng opisina ni Romualdez, si Vinny Marcos, ay sasailalim sa training para sa legislative processes kung saan siya ay ime-mentor ukol sa iba’t ibang arawang trabaho sa Mababang Kapulungan.


Kabilang dito ang papel at interaksyon ng mga komite at departamento sa proseso ng lehislasyon gayundin sa estratehiya para mapabilis ang pagpasa sa mahahalagang mga panukalang batas na makabuti sa mga Pilipino.

Inaasahan namang si Speaker Romualdez mismo ang magsu-supervise at titingin sa training ni Vinny Marcos katulad ng ginawa niya noon sa panganay na anak ni PBBM na House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander Marcos.

Facebook Comments