Walang nakikitang dahilan si Senate Minority Leader Franklin Drilon para hindi mabuhusan ng tulong ng gobyerno ang mga umuuwing Overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Reaksyon ito ni Drilon sa paghingi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng dagdag na pondo para sa inaasahang pagbabalik sa bansa ng halos 50,000 OFWs.
Ayon kay Drilon, mayroong 20-bilyong pisong pondo ang OWWA para gamiting pang-ayuda sa mga OFW.
Aniya, hindi maaaring idahilan ng OWWA na maaapektuhan ang investment nito kapag ginamit ang nasabing salapi.
Paliwanag ni Drilon, ang nabanggit na pondo ay nanggaling mismo sa 25 dollars na contribution ng mga OFW na dapat nilang mapakinabangan sa oras ng pangangailangan.
Ayon kay Drilon, bukod pa ito sa budget ngayong taon ng OWWA na 1.58-billion pesos.