Gobyerno, nabigong makamit ang target sa pagbabakuna sa A2 at A3 categories

Hindi naabot ng pamahalaan ang target nito na mabakunahan sa hanay ng mga senior citizen at mga may comorbidities.

Ayon kay Dr. John Wong ng Inter-Agency Task Force (IATF) Sub-Technical Working Group on Data Analytics, nasa 14 percent lamang ng target na nakatatanda ang nababakunahan habang 8 percent lamang sa may comorbidities.

Mula aniya sa target na mahigit 9.4 million na senior citizen, nasa 1.3 milyon pa lamang ang nabakunahan habang sa may comorbidities ay nasa 1.15 milyon pa lamang mula sa target na 14.55 milyon.


Sinabi pa ni Dr. Wong, na dapat rin alamin ng gobyerno kung bakit nasa halos kalahati ng mga dapat tumanggap na ng ikalawang dose ang hindi sumipot para maturukan.

Dagdag pa ni Dr. Wong, na bagama’t marami rin ang gustong magpabakuna pero wala silang access o paraan para makatanggap habang kulang pa rin ang suplay na natatanggap ng bansa.

Sa datos na inilabas ni Dr. Wong, ang Metro Manila ang nangunguna sa pagbabakuna kasunod ang Cordillera Administrative Region, Region 2, at Caraga.

Sa hanay ng National Capital Region o NCR Plus 8, ang Region 4A at Region 7 aniya ang mabagal sa pagbabakuna.

Facebook Comments