Gobyerno, nakikipagdayalogo na sa mga employer sa Hong Kong na tinanggalan ng trabaho ang mga OFW na tinamaan ng COVID-19

Kinakausap na ng pamahalaan ang employers sa Hong Kong na napaulat na nag-terminate ng kontrata ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) dahil tinamaan sila ng COVID-19.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na mayroong mga employer ang nakumbinsi ng pamahalaan.

Isang employer na lamang aniya ang hindi pa makumbinsi na pabalikin sa serbisyo ang tinanggal na OFW.


Idudulog na aniya ito ng pamahalaan sa Hong Kong Labor Authority lalo’t bawal din sa batas ng Hong Kong ang illegal termination ng kontrata dahil lamang sa COVID-19.

Sa kasalukuyan, nasa 76 na ang Pilipino doon na nagpositibo sa virus kung saan 8 sa mga ito ang naospital habang nasa isolation facilities naman ang iba.

Una na ring sinabi ni Cacdac na posibleng mapabilang sa blacklist ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga employer na tatanggalan ng serbisyo ang mga OFW dahil lamang tinamaan ng COVID-19 ang mga ito.

Facebook Comments