Bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na tuluyang magapi ang COVID-19, mangangailangan ang administrasyong Duterte ng 82,537 contact tracer.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, dahil wala pang bakuna na panlaban sa COVID-19, naghahanap ang gobyerno ng karagdagang contact tracers upang sanayin sa pagtukoy sa mga carrier ng virus.
Aniya, nagsumite na sila ng proposal sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagkuha ng contact tracers para may makatuwang ang gobyerno sa expanded contact tracing efforts kontra COVID-19 pandemic.
Sa sandali aniyang aprubahan ng IATF ang kanilang rekomendasyon ay maaari nang kumuha ang mga lokal na pamahalaan ng mga contract tracer.
Kabilang sa hinahanap na qualifications sa mga contact tracers ay dapat graduate ng Bachelor’s Degree on Allied Medical Courses at iba pang health-related course o criminology.
Sa kasalukuyan ay mayroong 52,463 contact tracers sa buong bansa.
Kulang aniya ito para serbisyuhan ang 108-milyon na Pilipino.
Ang kakailanganin ng gobyerno ay nasa 135,000 na contract tracers.