Gobyerno, nanindigang hindi ipasasara ang OFWs shelter sa Kuwait

Walang plano ang Department of Foreign Affairs (DFA) na isara ang shelters para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DFA Usec. Eduardo de Vega na ang kanilang hinala, isa ito sa mga dahilan sa pagsuspinde ng Kuwaiti government sa bagong working visa para sa OFWs.

Ayon sa opisyal, makikipagnegosasyon sila sa Kuwait para maresolba ang isyu ngunit siniguro na hindi sa puntong masasantabi ang pagtupad sa kanilang responsibilidad na protektahan ang mga manggagawang Pilipino.


Sinabi pa ng opisyal na obligasyon nila sa ilalim ng batas ang paglalagay ng shelter sa mga bansa na maraming Pilipino.

Sa ngayon ay mayroon aniyang nasa halos 500 OFWs na nananatili sa shelter para sa runaway household workers sa Kuwait.

Pero bago ito, may higit isang daan aniyang pansamantala na dinala sa hotel rooms dahil sa sobrang siksikan sa shelter pero ibinalik na rin ang mga ito makaraang masilip ng mga awtoridad sa Kuwait.

Facebook Comments