Gobyerno, pinag-iingat sa mga itinatayong biological laboratories

Pinag-iingat ni Assistant Majority Floor Leader at Rizal Representative Juan Fidel Nograles ang gobyerno sa mga itinatayong biological laboratories.

Ang panawagan ng kongresista ay bunsod na rin ng mga ulat mula sa Estados Unidos at ibang mga bansa na kinailangan munang magkaroon ng kasunduan sa pagtatayo ng scientific research facilities at laboratories dahil sa banta nito sa kalusugan.

Ayon sa kongresista, pwedeng magdala ng panganib sa bansa ang mga ‘biolabs’ lalo pa’t sinasabing dito dinadala at pinag-eeksperimentuhan ang iba’t ibang uri ng Coronaviruses.


Tinukoy ng kongresista na bagama’t nilinaw na ang SARS-COV-2 o ang COVID-19 ay hindi genetically-engineered virus, mababatid naman na ang Wuhan Institute of Virology na matatagpuan sa first epicenter ng COVID-19 sa Wuhan, China ay sinusuri naman ang isang bat coronavirus na malapit o relative sa COVID-19.

Dahil dito, hiniling ni Nograles na i-regulate ang biolabs sa bansa upang matiyak na hindi makokompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng publiko laban sa mga bagong sakit.

Mayroon aniyang international protocols na maaaring ilatag bago payagan na makapagtatag ng bio laboratories sa bansa.

Kung posibleng may dalang banta sa kalusugan ang mga sinusuri sa biolabs ay dapat maging maagap ang pamahalaan kung mayroong mga naitayong biolabs sa Pilipinas na pinondohan ng foreign governments o corporations.

Facebook Comments