Naniniwala ang Makabayan sa Kamara na pinagtatakpan na lamang ng pamahalaan ang kapalpakan nito sa vaccination program dahil sa naunang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hindi magpapabakuna at iba pang isyu sa bansa.
Giit ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang totoo ay maraming Pilipino na ang gustong magpabakuna ngunit kulang naman sa suplay.
Bukod dito, pinuna rin ng kongresista ang usad pagong na vaccine rollout at mayorya pa ng mga bakunang ibinigay ay puro donasyon mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).
Sinita naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na ang pag-oobliga na magsuot ng faceshield ay dagdag na gastusin lamang din sa mga tao.
Katunayan aniya, ang mga bansang nakontrol ang pagkalat ng COVID-19 ay hindi ni-require ang pagsusuot ng face shield.
Dagdag ni Cullamat, ang higit na kailangan ngayon ng bansa ay maayos na sistema ng mass testing at mabilis na bakunahan gayundin ang ayuda para sa mga probinsyang nakakaranas ngayon ng surge o pagtaas ng COVID-19 cases.