Manila, Philippines – Binalaan ni ACTS OFW PL Rep. John Bertiz ang gobyerno na huwag magpaka-kampante na bumaba ang ranking ng Pilipinas pagdating sa mga bansang laganap ang human trafficking.
Ito ay matapos mailagay sa Tier 1 ranking ng 2017 US Department of State Trafficking in Persons report ang Pilipinas.
Ibig sabihin ay bumaba ang kaso ng human-trafficking at epektibo ang paraan ng pamahalaan laban sa illegal recruitment at anti-human trafficking.
Ayon kay Bertiz, hindi dapat maging kampante na positibo ang ranking ng Pilipinas sa anti-human trafficking campaign nito dahil may mga ganitong kaso pa rin sa bansa.
Sinabi ni Bertiz na may mga OFWs pa rin mula sa Mindanao ang pwersahang pinagtatrabaho sa Middle East na nakakaranas ng pang-aabuso.
Dagdag din dito ang mga kaso ng sexual exploitation sa mga kabataan at kababaihan na mula sa mga mahihirap na komunidad.
Dahil dito ay hinimok ni Bertiz ang mga kasamahan sa Kongreso na tiyakin na may mailalaan na sapat na pondo para sa anti-trafficking programs at human resource support upang tuluyang masawata ang mga ganitong kaso.