Gobyerno, pinakikilos na sa pagpapatupad ng Mental Health Law

Manila, Philippines – Kinalampag ni Quezon City Representative Winston Castelo ang pamahalaan na kumilos na para sa implementasyon ng Mental Health Law o MHL.

Ito ay kasunod na rin ng pagpapakamatay ng isang miyembro ng sikat na banda.

Giit ni Castelo, kailangan nang magkaroon ng agresibong pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mental illness at mental health upang maisalba ang buhay at maiwasan ang mga insidente ng suicide.


Hindi aniya sapat na ginawang batas ang Mental Health Law dahil kailangan ng publiko ang aksyon ng gobyerno para matulungan ang mga dumaranas ng mental health problems na makapamuhay ng maayos at maibaba ang mga kaso ng ganitong sakit.

Sa ilalim ng Mental Health Law, binibigyang mandato ang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa gamutan ng mga may mental health issues at isama ito sa General Healthcare System o GHS ng bansa.

Binibigyang direktiba din ang mga LGUs na magtatag ng mga pasilidad at magbigay ng dagdag serbisyo sa lahat mga tertiary hospitals sa mga syudad, probinsya at munisipalidad para sa mental health problems.

Facebook Comments