Manila, Philippines – Sarado ang gobyerno sa di umano’y alok ng kampo ni Abdullah Maute ang isa sa mga pinuno ng teroristang grupo na Maute, na palalayain nila ang bihag na paring Katoliko kapalit ng pagpapalaya sa kanyang mga magulang.
Binigyang diin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi nakikipagnegosasyon ang pamahalaan sa mga terorista.
Ang mga magulang ni Abdullah Maute na sina Cayamora at Farhana ay nakakulong sa Camp Bagong Diwa at nahaharap sa kasong rebelyon dahil sa pagkakasangkot umano nila sa pag-atake sa lungsod ng Marawi.
Dagdag pa ni Aguirre, hindi dapat seryosohin ng gobyerno ang alok ni Abdullah kapalit ng paglaya ni Father Teresito “Chito” Suganob.
Dapat pa nga ay mapanagot ang mga magulang ni Abdullah Maute dahil naniniwala sila na sangkot ang mga ito sa pagsiklab ng gyera sa Marawi.
Ang DOJ, partikular na ang National Prosecution Service, ang umuusig sa kasong rebelyon na inihain laban kina Cayamora at Farhana Maute, gayundin sa iba pang kinasuhan dahil sa gulo sa Marawi.