Tuesday, April 21, 2026

Mga ordinaryong manggagawa, pinaka-apektado ng oil price hike —BPO workers

Sa bawat itataas sa presyo sa produktong petrolyo, ang mga ordinaryong manggagawa na kumikita ng kakarampot ang magdurusa.

Ito ang ibinabala ng ilang grupo ng mga manggagawa sa harap ng inaasahang walang prenong taas presyo sa petrolyo bunsod ng tensiyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN), ang nakaambang oil price hike ay makaka-apekto sa mga Pilipinong naghihirap nang pagkasyahin ang maliit na sahod at tumataas na gastusin.

Kasunod na anila ng taas presyo sa petrolyo ang pagmahal ng pamasahe, pagkain, kuryente at ibang pangunahing bilihin.

Sinabi ng grupo na asahan na ang chain reaction nito sa ekonomiya na mararamdaman din ng mga nagtatrabaho sa BPO.

Ayon kay BIEN Vice President Jupiter Delda, kailangang umaksyon na agad ang pamahalaan gaya ng pag-alis sa excise tax at pagbasura sa Oil Deregulation Law na nagpapahintulot sa mga kumpanya na magtakda ng presyo ng langis.

Hinikayat din ng grupo ang pamahalaan na protektahan ang mamamayan lalo’t laban din ito para sa kabuhayan, dignidad at ekonomiya.

Facebook Comments