Tiwala si Finance Secretary Carlos Dominguez na makakabawi ang bansa sa revenue collection sa gitna pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng ₱4.5 trillion 2021 national budget, batay sa iprinisentang projection ay aabot lamang sa ₱2.5 trillion ang revenue collection ngayong 2020, mas mababa kumpara sa ₱3.1 trillion na kinita noong 2019.
Ang pagbaba sa revenue collection ngayong taon ay resulta pa rin ng hindi inaasahang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Sa kabilang banda ay inaasahan naman ni Dominguez na makaka-recover nang bahagya ang revenue collection sa 2021 na tinatayang aabot sa ₱2.7 trillion at tataas pa sa ₱3 trillion sa 2022.
Iginiit ng opisyal na malaking tulong sa pagtaas ng kita ng pamahalaan ang koleksyon mula sa TRAIN Law.
Nitong 2019 aniya ay tumaas sa 91% ang revenue collection sa ilalim ng TRAIN Law o katumbas ng 14.5% ng Gross Domestic Product (GDP) noong nakaraang taon na siyang itinuturing na ‘best performance’ sa loob ng 22 taon.
Itinutulak naman ni Dominguez ang pag-apruba sa mga panukala tulad ng CREATE, FIST at GUIDE ACT na sesentro sa pagbangon at pagbibigay suporta sa mga Pilipino sa gitna ng pandemic.
Binigyang-diin ng kalihim ang tuloy-tuloy na implementasyon ng Build, Build, Build program dahil ito ang may pinakamalaking multiplier effect sa pagsigla ng ekonomiya.