Iminungkahi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na hugutin sa mga Government Owned and Controlled Corporation o GOCCs ang pondo para sa pagtaas sa pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa 1,000 pesos mula dating 500 pesos.
Tugon ito ni Pimentel sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi kasama sa panukalang 2023 National Budget ang ₱25 billion na karagdagang pondo para sa pension hike ng mga nakatatanda.
Naniniwala si Pimentel, na kaya ng mga GOCC na pondohan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11916 dahil inaasahang tataas na rin ang kita at cash dividends ng mga ito dulot ng pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.
Sa impormasyon ni Pimentel, noong 2021 ay umabot sa ₱57.55 billion ang na-remit na cash dividends ng mga GOCC tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Philippine Deposit Insurance Corp., PAGCOR, PCSO, Manila International Airport Authority at iba pa.
Dagdag pa ni Pimentel, alinsunod sa Republic Act 7656 ay pwedeng atasan ng Malacañang ang mga GOCC na magbayad ng mas mataas na dividend rate na hanggang 75%.