CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isang gold buyer matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Purok 6 Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang biktima na si John Cabigat, 30-anyos, native Ifugao, at residente ng nasabing bayan.
Ayon sa pagsisiyasat ng PNP Tabuk sa kapatid ng biktima na si Jonathan Cabigat, dalawang hindi nakikilalang indibidwal ang pumasok sa kanilang inuupahang kwarto kung saan nakabantay sa pintuan ang isang lalaking nakasuot ng face mask at black t-shirt at pants habang ang isang lalaki ay nakasuot ng tactical pants at pumasok sa palikuran.
Makalipas ang ilang minuto, lumabas ang suspek mula sa palikuran at tinutok ang baril sa biktima at nang sumigaw ito para humingi ng tulong ay dito siya pinaputukan ng baril.
Pagkatapos nito ay agad na tumakas ang mga suspek sa pinangyarihan ng insidente.
Agad naman isinugod sa pagamutan si John ngunit sa kasamaang palad ay binawian ng buhay.
Sa kasalukuyan, puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ng nga otoridad para sa mabilis na pagtukoy at pagdakip sa mga hindi pa mga nakikilalang suspek.