Tuguegarao City, Cagayan – Nagdulot ng sobrang tuwa sa delegasyon ng Tuguegaro City para sa Chess Event matapos na makapag bulsa ito isang gold medal at dalawang broanze sa Chess Event ng CaVRAA 2018.
Sa panayam ng RMN Cauayan News sa magulang, coach at trainers ng gold medalist na si Eunice Joy Bucayu ay kanilang sinabi na nagbunga din ang kanilang paghahanda para magkaroon ng marka ang Tuguegarao City sa Chess event ng CaVRAA ngayong taon.
Bagamat pang-apat lamang sa medal tally ay tuwang-tuwa ang Tuguegarao City chess delegate dahil makakasama sa Palarong Pambansa sa Vigan City ngayong Abril ang kanilang pambato na si Eunice Joy Bucayu ng Cataggaman Nuevo Elementary School.
Ang nag-iisang gold medalist ng Tuguegarao City Division sa larangan ng chess ay, labin isang taong gulang, nasa ika-anim na baitang ng elementarya at pangalawang anak sa dalawang magkapatid.
Tuwang-tuwa ang kanyang ina na si Ginang Demie Bucayo at kanyang sinabi na bagamat hirap umano sila sa kalagayan sa buhay ay nakakatuwang tingnan ang naging tagumpay ng anak.
Ibinahagi pa ng ina na maliban sa kagalingan ni Eunice sa ahedres ay isa din itong honor student at naging kinatawan din ng Tuguegarao City sa Regional School’s Press Conference sa Filipino Feature Story Writing at Copy Reading.
Ayon sa ina,mainam kung magkakaroon sana ng insentibo ang kanyang anak sa kanyang pagkakapanalo sa event na sinalihan.
Tuwang tuwa naman ang kanyang coach na si Marilou Raymundo, guro sa Buntun Elementary School sa pagkakasali ng kanyang manlalaro sa Palarong Pambansa.
Hindi rin maitago ang galak ni Ginang Sol Bitamor, isa sa mga trainors ng naturang chess player sa kanilang gold medal. Sinabi ni Bitamor na maliban sa gold medal ay nakapag-uwi din ang kanilang team ng dalawang bronze medal mula kina Vicco Van Calata at Alexander Jude Malabad para sa Team Event ng Standard Secondary Boys. Dagdag pa ang ang nakuha ng Blitz Team Elementary Girls nina Eunice kasama ang kanyang team mate na si Arra May Eppag.
Samantala, sinabi naman ni Ginoong Robert Bumatay ng Cagayan Valley Chess Association(CVCA) na isa sa mga gumagabay sa mga chess players ng Tuguegarao at sa Lalawigan ng Cagayan ay ang naturang medal output ay bunga ng kanilang pagsisikap sampu ng iba pang mga trainers gaya nina father-and-son tandem June at Jake Tumaliuan na siya ding nagtuturo kay Eunice na makapag pausbong ng magaling na manlalaro ng ahedres sa Lungsod ng Tuguegarao.
Kasalukuyan pa ang mga iba pang laro sa kasalukuyang CavRAA na magtatapos sa Marso 1, 2018.