Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Palasyo ng Malacañang na tumaas ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at Bureau of Treasury sa unang limang buwan ngayong taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, nakakolekta ang BIR ng 827.9 billion pesos sa pagtatapos ng buwan ng Mayo, na mas mataas ng mahigit 14% o 106.5 billion pesos kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Ang Bureau of Customs naman aniya ay nakakolekta ng 229 billion pesos sa pagtatapos ng buwan ng Mayo na mas mataas ng 31% na katumbas ng 54.3 Billion pesos kung ikukumpara noong 2017, 18% o 56.8 billion pesos ang itinaas ng kita ng bureau of Treasury kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Ibinida din ng Palasyo ng Malacañang ang balita na mas ligtas na ngayon ang mga komunidad dito sa bansa.
Ayon Roque, batay sa Gallup Report mula sa kinolekta nitong data sa kulang kulang 150 libong sagot mula sa 142 bansa ay lumalabas na ang mga Pilipino ngayon ay feeling ligtas kapag naglalakad mag-isa sa gabi sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Sinabi ni Roque na nakakuha ang Pilipinas ng score na 82 mula sa score na 76 noong 2014, mas mataas aniya ito sa average sa east asia na 72 points.