Manila, Philippines – May bigtime rollback na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo sa darating na linggo.
Ayon sa kompanyang Unioil, hindi bababa sa dalawang piso ang aasahang bawas-presyo ng mga motorista.
Sabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Dir. Rodela Romero – posibleng dahil ito sa mataas na produksyon ng langis pero mababa ang demand nito sa world market.
Sa nakalipas na apat na linggo, mahigit P5.00 na ang ibinaba sa presyo ng kada litro ng gasolina, P3.00 sa diesel at P2.00 sa kerosene.
Hindi naman matiyak ng DOE kung magtutuloy-tuloy na ito hanggang sa Disyembre kung saan inaasahang tataas na naman ang demand sa langis.
Dahil sa sunud-sunod na rollback, humihirit ngayon ang mga pasahero na ibaba na ang pamasahe.
Pero sagot ng mga tsuper – kulang pa ang ibinaba sa presyo ng diesel.
Matatandaang inatasan na noon ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang LTFRB na pag-aralang muli ang fare increase.