Israel – Kinilala ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kahalagahan ng mga Filipino caregivers na nagtatrabaho sa Israel.
Sa press statement ni Netanyahu kasama si Pangulong Duterte ay sinabi nito na maging ang kanyang pamilya ay dumaan sa mabuting kamay ng Filipina caregiver matapos alagaan ang kanyang ama hanggang ito ay sumakabilang buhay sa edad na 102.
Matapos aniyang mamatay ang kanyang ama ay inalagaan din ng caregiver na Pilipino ang kanyang tiyuhin hanggang ito ay mamatay.
Ang mga Pinoy caregivers aniya ay mapagmalasakit at matalino kaya libu-libong Pinoy caregivers ang nagtatrabaho ngayon sa Israel.
Kaya naman dahil aniya dito ay nilagdaan na ang isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Israel na magreresulta sa pagbabawas ng hanggang sa 12 libong dollars sa mga gastusin ng mga caregivers.
Isa aniya itong magandang kasunduan na nagpapatotoo sa magandang relasyon ng Pilipinas at Israel.
Nilagdaan din kanina ang ilang kasunduan partikular ang memorandum of agreement on the temporary employment of home based caregivers, memorandum of understanding on scientific cooperation at memorandum of intent on the collaboration on promotion of bilateral direct investment.