Nangako ang mga bayan sa lalawigan ng Bukidnon na pababahain ng murang gulay ang mga pamilihan sa Metro Manila kada linggo upang tapatan ang sobrang pagmahal ng presyo ng mga ito.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, abot sa animnapung tonelada ng mga gulay ang ibinigay na commitment ng bayan ng Talakag na ibagsak sa mga palengke upang punan ang pagkukulang ng suplay.
Ginawa ng Bukidnon ang anunsyo kasunod ng ipinangako ng Department of Agriculture (DA) na 20 million pesos na easy access credit sa mga bayan roon na laan para direktang bilhin ang kanilang mga agricultural products at maikalat sa merkado.
Inihalimbawa ni Piñol ang presyo ng repolyo galing ng Bukidnon na nagkakahalaga lamang ng dose hanggang P20 kada kilo at ang patatas ay P30.
Isang refrigerated van ang ipadadala roon ng DA para napanatiling sariwa ang mga local produce na ibibiyahe patungo sa Metro Manila.