Aklan – Kasabay ng muling pagbubukas ng Boracay Island, isinabay din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagtatapos ng may 720 manggagawa at residente na naapektuhan sa pansamantalang pagsasara ng isla.
Ayon sa TESDA ang mga graduates na gustong magtayo ng negosyo ay maaring matulungan sa kanilang kapital sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya at financial institusyon ng gobyerno tulad ng DTI, DSWD, DOLE, Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Ang 720 graduates ay sinanay sa iba’t-ibang qualification ng TESDA Provincial Training Center-Aklan at 14 katuwang na mga technical vocational institutes sa nasabing lalawigan.
Ang mga nagsipag tapos ay kinabibilangan ng lifeguard services, electrical installation and maintenance, housekeeping, security service, cake, pastry & bread making, hilot at dressmaking.
Matatandaang isinara ang Boracay sa publiko sa loob ng 6 na buwan para sa rehabilitasyon at muling binuksan nitong October 26.