Ngayong araw ay matagumpay na naisagawa ng Pamahalaan ng Calasiao, Pangasinan ang pamamahagi ng medical mission at pamimigay ng libreng gamot sa mga mamamayan ng naturang bayan sa Calasiao Sports Complex kanina alas 8 ng umaga hanggang hapon bilang bahagi ng kanilang kapistahan.
Pinangunahan ni Mayor Joseph Arman C. Bauzon, alkalde ng Calasiao ang programang ito na kung saan buong puso niyang sinalubong ang daan-daang residente ng bayan na gustong maranasan ang libreng serbisyo na ito.
Libreng check-up sa mata, bunot sa ngipin, tuli para sa batang kalalakihan, immunization para sa mga senior citizen, family planning, laboratory services, at counselling para sa mga nangangailangan ng payo sa buhay ang ilan sa mga ini-alay ng pamahalaang bayan para sa mga residente.
Ayon kay Dr. Jessart De Vera, Municipal Health Officer, in-charged ng aktibidad, na kasama ang Medical Mission sa pagdiriwang ng kapistahan ng Calasiao at Local Government Unit project ng bayan. Isa sa dahilan ng kanilang pagdiriwang ay ang paggunita sa Patron nilang si Señior Divino Tesoro at ayon nga daw kay Mayor Bauzon ay para may kabuluhan din ang pagsisilibra ng kanilang kapistahan.
Bukod sa mga gamot, nagpamigay din ang mga kawani ng Health Office ng libreng salamin para sa mga malalabo na ang paningin partikular na sa mga may edad na.
Tumulong din sa operasyon ang halos 80 na kawani ng Municipal Health Office ng Calasiao at sa pangunguna ni Dra. Anna De Guzman ng Provincial Health Office ng Pangasinan kasama ang 16 na tauhan nila para tumulong sa pagtutuli. Kabilang din sa mga tumulong ang kapulisan ng Calasiao at Public Order and Safety Office (POSO Calasiao) para sa seguridad at katahimikan sa isinasagawang programa.
Isa lang si nanay Teodora Dulay, 78 taong gulang sa daan-daang residente na may karamdaman sa katawan at pumila para maranasan ang libreng serbisyo, “masaya at nagpapasalamat ako kasi may ganitong programa at nabigyan ako ng libreng gamot, hindi ko na kailangang bilhin.”
Samantala, nagsasagawa din ang Municipal Health Office ng tinatawag nilang *Barangayan* isang beses sa isang linggo na kung saan dinadala nila lahat ng mga libreng serbisyo sa mga baryong kanilang nasasakupan. Ang programang ito ay kanilang inorganisa para mapanatili ng pamahalaan ang kagandahan ng kalusugan ng mga mamamayan sa bayan.
Sinimulan nila ang nasabing programa noong Marso pa at tatlong barangay na rin ang kanilang nabisita.
*Ulat ni Jhon Michael Caranto *
GOOD NEWS | Pamamahagi ng libreng serbisyo sa kalusugan sa bayan ng Calasiao, Pangasinan. Dinagsa ng daan-daang residente!
Facebook Comments